Friday, September 23, 2005

Passion

Masimbuyong damdamin. Libog.

Paksa ito ng nakaraang pag-uusap naming magkakaibigan noong isang gabi. Bagaman 'di talaga patungkol sa'kin ang talakayan, hindi ko maalis ito sa'king isipan. Kailangan kong pagmunihan.

Kumanta. Mahilig akong kumanata. Gusto kong makinig ng musika. Madalas akong mag-videoke kahit sa bahay lang kasama ng aking mga kapamilya. Ngunit di 'ko ata masabing may karapatan akong angkinin ang naturang bagay at tawagin kong akin. Oo mahilig akong umawit, ngunit hindi ko kailanman nagawang palawakin ang hilig na ito upang maging mas malaking parte ng buhay ko. Ni hindi ako masyadong marunong bumasa ng nota, hindi rin ako gaanong bihasa sa pagtugtog ng instrumento. Hindi ko sinubukang maging bahagi ng isang grupo ng mang-aawit na pinagtutuunan talaga ang kanilang kagalingan. Naalala ko tuloy ang isa sa aking mga kasabayan noon sa mataas na paaralan. Ngayo'y nabalitaan kong kagagaling niya lamang sa isang Europe tour. Sa aking palagay at sa aking dalangin, hindi naman ito marahil isyu ng aking kakayahan. Kulang lang talaga ako sa tulak at tadyak na sisipa sakin para isulong ang aking sarili na gawin lahat para sa nasabing kinagigiliwan. Salat sa libog sa musika.

Sine. Alam ng maraming mahilig akong manood ng sine. Kahit noong estudyante pa lamang ako, walang isang linggong lilipas na 'di ako nakakapanood ng pelikula. Bata pa man ako, lagi na akong sinasama ng aking pinsan upang manood, kaya nga noong nagkaroon ng bombahan sa Mega Mall, naroon kami, nanood ng Hanging Up. Ngunit, muli, 'di ko na naman masabing akin ito dahil hindi ko pa napapanood ang mga klasikong tulad ng The Godfather, Gone with the wind, Breakfast at Tiffany's, Cinema Paradiso, Oro Plata Mata, Insyang. Panay mga pangkasalukuyang pelikula lamang ang alam ko. Kagaya ng sa musika, wala ring masidhing damdaming na nagpapakilos sakin upang panghawakan ang mga obrang ito at saksihan ang kani-kanilang kagalingan. Wala rin akong teknikal na kaalaman upang kumilatis ng kagandahan ng isang pelikula. Tunay na mga matitinding katibayan na hindi karapat-dapat tawagin ang sariling may masimbuyong damdamin para sa pinilakang tabing.

Pagsususlat. Kakaunti lamang ang nakakalalam na ako'y nagsususlat. Ilang mga kaibigan sa mataas na paralan at ilang mga malalapit na tao na nakilala noong kolehiyo. Kundi pa dahil sa blog na ito, mananatili lamang ang bilang gamit ang isang kamay. Dati, nagsusulat lamang ako dahil utos ito ng guro. Mga mapagmuning papel tungkol sa leksyon, mga dula o pelikulang napanood sa Pilosopiya ang aking mga ginagawa. Mga sanaysay naman na batay sa paksang makahiligan ng guro sa Filipino. Batay naman sa mga markang aking nakukuha, hindi naman masama ang aking lagay sa aspetong ito. Alam kong kaya kong magsulat, magkaroon lamang ako ng puso para dito. Ngunit muli, wala akong sapat na kabig ng dibdib upang palawigin ang kakayahang ito. Ni hindi ako nagsumubok gumawa at magsumite ng artikulo para sa mga publikasyon sa paaralan. Hindi rin ako nagkaroon ng sapat na lakas ng loob upang kumuha ng ilang mga asignatura sa malikhaing pagsusulat sa Filipino. Ngayon, nagsususlat lamang ako kung kailan may panahon at kung kailan ko maisipan. Pihadong hindi ito libog na matatawag.

Naisip ko tuloy, ano bang mas nakakalungkot, ang sabihan ka ng isang taong 'di ka lubusang kilala na wala kang "passion" sa ginagawa mo o ang makita mo isang araw ang 'yong sarili na wala manlang matinding damdamin para sa isa manlang aspeto ng buhay mo?