Friday, September 23, 2005

Passion

Masimbuyong damdamin. Libog.

Paksa ito ng nakaraang pag-uusap naming magkakaibigan noong isang gabi. Bagaman 'di talaga patungkol sa'kin ang talakayan, hindi ko maalis ito sa'king isipan. Kailangan kong pagmunihan.

Kumanta. Mahilig akong kumanata. Gusto kong makinig ng musika. Madalas akong mag-videoke kahit sa bahay lang kasama ng aking mga kapamilya. Ngunit di 'ko ata masabing may karapatan akong angkinin ang naturang bagay at tawagin kong akin. Oo mahilig akong umawit, ngunit hindi ko kailanman nagawang palawakin ang hilig na ito upang maging mas malaking parte ng buhay ko. Ni hindi ako masyadong marunong bumasa ng nota, hindi rin ako gaanong bihasa sa pagtugtog ng instrumento. Hindi ko sinubukang maging bahagi ng isang grupo ng mang-aawit na pinagtutuunan talaga ang kanilang kagalingan. Naalala ko tuloy ang isa sa aking mga kasabayan noon sa mataas na paaralan. Ngayo'y nabalitaan kong kagagaling niya lamang sa isang Europe tour. Sa aking palagay at sa aking dalangin, hindi naman ito marahil isyu ng aking kakayahan. Kulang lang talaga ako sa tulak at tadyak na sisipa sakin para isulong ang aking sarili na gawin lahat para sa nasabing kinagigiliwan. Salat sa libog sa musika.

Sine. Alam ng maraming mahilig akong manood ng sine. Kahit noong estudyante pa lamang ako, walang isang linggong lilipas na 'di ako nakakapanood ng pelikula. Bata pa man ako, lagi na akong sinasama ng aking pinsan upang manood, kaya nga noong nagkaroon ng bombahan sa Mega Mall, naroon kami, nanood ng Hanging Up. Ngunit, muli, 'di ko na naman masabing akin ito dahil hindi ko pa napapanood ang mga klasikong tulad ng The Godfather, Gone with the wind, Breakfast at Tiffany's, Cinema Paradiso, Oro Plata Mata, Insyang. Panay mga pangkasalukuyang pelikula lamang ang alam ko. Kagaya ng sa musika, wala ring masidhing damdaming na nagpapakilos sakin upang panghawakan ang mga obrang ito at saksihan ang kani-kanilang kagalingan. Wala rin akong teknikal na kaalaman upang kumilatis ng kagandahan ng isang pelikula. Tunay na mga matitinding katibayan na hindi karapat-dapat tawagin ang sariling may masimbuyong damdamin para sa pinilakang tabing.

Pagsususlat. Kakaunti lamang ang nakakalalam na ako'y nagsususlat. Ilang mga kaibigan sa mataas na paralan at ilang mga malalapit na tao na nakilala noong kolehiyo. Kundi pa dahil sa blog na ito, mananatili lamang ang bilang gamit ang isang kamay. Dati, nagsusulat lamang ako dahil utos ito ng guro. Mga mapagmuning papel tungkol sa leksyon, mga dula o pelikulang napanood sa Pilosopiya ang aking mga ginagawa. Mga sanaysay naman na batay sa paksang makahiligan ng guro sa Filipino. Batay naman sa mga markang aking nakukuha, hindi naman masama ang aking lagay sa aspetong ito. Alam kong kaya kong magsulat, magkaroon lamang ako ng puso para dito. Ngunit muli, wala akong sapat na kabig ng dibdib upang palawigin ang kakayahang ito. Ni hindi ako nagsumubok gumawa at magsumite ng artikulo para sa mga publikasyon sa paaralan. Hindi rin ako nagkaroon ng sapat na lakas ng loob upang kumuha ng ilang mga asignatura sa malikhaing pagsusulat sa Filipino. Ngayon, nagsususlat lamang ako kung kailan may panahon at kung kailan ko maisipan. Pihadong hindi ito libog na matatawag.

Naisip ko tuloy, ano bang mas nakakalungkot, ang sabihan ka ng isang taong 'di ka lubusang kilala na wala kang "passion" sa ginagawa mo o ang makita mo isang araw ang 'yong sarili na wala manlang matinding damdamin para sa isa manlang aspeto ng buhay mo?

Friday, February 18, 2005

Para Sa'yo.. sana mabasa mo!

BABALA: Ang mga sumusunod na talata ay patungkol lamang sa isang tao, maaaring di para sa'yo masugid kong mambabasa. Nagtataglay ito ng mga pananalitang mapapait at ipagpaumanhin mo. Ngunit kung ikaw ang tinutukoy ko, husay mo talaga, pati blog ko alam mo! Para sa'yo, ika nga ni cokelover, Read at your own risk. Sabihin man ng ibang salat ang aking kaalaman para humusga, lahat ng mga ito'y batay sa mga pangayayaring pawang katotohanan lamang.

Ang dami kong ginagawa dahil patapos na ang klase pero hindi ko mapigilang 'di magsalita at maglabas ng mga nararamdaman ko. Sayang man sa oras, wala na 'kong pakialam. Ni hindi ko akalaing magiging bahagi ka ng blog na 'to. Sisiguraduhin ko sa'yong di ko ito plinano. Sapat na ang isang "matalinong taong" nagkamaling magsulat tungkol sa'yo. Sa katunayan, wala kang karapatang maging paksa nito pero nakakapikon na talaga, nananadya ka ba?

Una, sa mga pinaggagagawa mo nitong mga nakaraang buwan naisip kong hindi man lamang sumagi sa isipan mo na may tahasang epekto sa ibang tao ang mga ginagawa mo. Respeto nalang sa isang kapwa babae. Ganun lang kasimple, pero 'di mo nabigay.

Ikalawa, kung tinitingnan mo ang 'yong sarili bilang isang "kaibigan", isang "malalim" at "tahimik" na tao ayon sa mga nakasalamuha mo (na hindi ko talaga pinaniniwalaan), susubukan mong magmumuni at pag-isipang maigi ang lahat ng mga desisyon mo. Pero masyado atang mataas ang tingin ng iba sa'yo, para sakin, hindi ka ganito.

Ikatlo, 'wag na 'wag mong iisipin kahit pabiro na magiging kaibigan kita. Una hindi magandang biro, ikalawa, no chance in hell. May latak na ang pagkatao mo sa paningin ko. Hindi mo ako masisisi.

Ikaapat, nananahimik na sana kame, lalu na 'ko (sa palagay ko), pero bakit parang lagi ka na lang nang-uudyok at para bang kumukuha ng atensyon. Binigay at ginugol na sana sayo ng isang "matalinong tao" ang ilang oras at panahon niya noon (na masakit talaga sa'kin). Pero 'di mo pinangalagaan, bagkus binalewala mo pa ata. Ngayong tinigilan na, hinahabol-habol mo naman? Ang gulo mo! Panindigan mo naman mga ginagawa mo at sinasabi mo.

Ikalima at panghuli, anong karapatan mong humingi ng isang "closure", ayon pa sa mga sarili mong pananalita? Bakit may namagitan ba sa inyo? Kung meron man, hindi ba "pagtatapos" na dapat ung mga nangyari kamakailan? Nadiskubre mo ng may mahal ka ng iba, gusto mo pa rin manatili ang parehong nibel ng "pagmamahal" at pagkalinga ng "matalinong tao" sa'yo. Pagiging makasarili ata ang pinaiiral mo. Binibini, papaalala ko sa'yong hindi araw-araw Pasko.

Maaring maawa at malungkot para sa'yo ang mga kaibigan mo sa trabaho. Maging ang "matalinong tao" naawa sa'yo. Hindi ko naman sila masisi kasi "kaibigan" mo sila. Pero ako, wala kang mahihita sakin kundi puot.

Good luck nalang sa'yo. Sana maging masaya ka!

HULING PAALALA: Ito na ang una at huli kong pagsusulat tungkol sa isyung ito. 'Di na kailanman mauulit. Salamat sa pagbabasa. Pasensya na at nabuhos ko ang galit at inis ko rito. Matapos mabasa ninyo ito, mas gagaan na ang pakiramdam ko.