Monday, September 06, 2004

SALOT

May isang buwan na rin akong nagtitimpi sa mga kagaguhan at kabastusan na ginagawa saken ng isang babaeng itatago ko nalang sa pangalang "Love" (kapag kilala mo sya, maiisip mong siya si Love Añover ng GMA na animo'y nakalunok ng megaphone sa tindi ng boses).

Kagrupo ko si Love sa halos lahat ng mga kinukuha ngayong mga asignatura. Lima sa anim. Akala ko dati, magiging masaya, magaan at makabuluhan ang huling taon ko sa kolehiyo dahil kilala at kaibigan ko naman siya at napagmasdan ko kung paano siya magtrabaho sa mga nakaraang taon. Responsable, masipag, matiyaga. Sa mga unang linggo sa paaralan, masaya pa ako.

Pero, hindi ko alam kung ano ba ang naging kasalanan ko, at pagdating sa kalagitnaan, umatake na ang salot!

Kapag inisa-isa ko lahat ng mga ginawa ni Love na kapestehan sa mga gawain namen, hindi ko matatapos ang artikulong ito. Ang ‘di pagpunta sa mga pulong kahit pwede naman siya, ang pagsusungit noong siya pa ang nahuli sa lakad namen pabalik sa immersion sa Bulacan, ang pambabagsak ng telepono sa'kin na parang ako ang walang nagawa samantalang karamihan ng papel na pinasa namen ako nagsulat, at ang pagmumura sa text na pinadala niya sa lahat pero alam ko naman na sa'kin talaga patama, ay ilan lamang sa mga ito.

Para sa mga taong kilala ako, tulad ng nanay ko, noong nakwento ko ung ilan sa ginawa niya, ang sabi niya saken “Buntalin mo!”

Pero kahit alam ko na dapat tayong makinig sa mga magulang natin, hindi ako nagpadala sa payong ito. Gaano man kalakas ung tulak saken na sumabog na at ipakita na kung ano talaga nararamdaman ko, nanatili akong rasyonal. Dito ata ako mali, nanahimik ako (mantakin, mo ikaw na nakakabasang kilala ako, nanahimik ako, di kapani-paniwala!). Sinubukan kong maging kalmado at ‘di nalang magsalita. Ang sa’kin, baka kapag nakita n’yang hindi na ako masyadong nagkukumento, mahahalata niya ung mga kamalian niya.

ANG TANGA KO. Nakalimutan kong isa-alang alang na insensitibo siya na kahit anong gawin kong pananahimik, ‘di nya makukuha ang mensahe. Masyadong naging mataas ang pagtingin ko sa kanya sa pag-aakalang maiintindihan niya ‘ko . Kaya, nagpatuloy lahat ng mga ginagawa niya, ‘di lamang sa isang proyekto, kundi sa sumunod, at sumunod pa, hanggang sa ngayon.

Ang salot kapag umatake, ‘di mo mapipigilan. Dadaan at dadaan. Wala ka ng magagawa, kundi ang hintayin itong matapos. Pero, ang tanong: KAILAN?

Hindi ko alam kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Ayoko siyang kausapin dahil baka ‘di ko makapagpigil at ‘di ko na siya matantsa. Baka bigla ko nalang maisip na maging masunurin at patumbahin siya!