Thursday, April 08, 2004

Pinoy

hanggang ngayon, pagkalipas ng ilang mga araw, di ko pa talaga alam kung anong isusulat ko dito. parang nakakainis nga kasi nakalimutan ko na atang magsulat. pwede bang mangyare yun? makalimutan mo ung isa sa mga bagay na hilig mo talagang gawin? parang hindi dapat, pero ba't ganito ung pakiramdam?

kelangan ko ng masisisi!!!
hindi pwedeng walang may kasalanan kung bakit nagkukubli ung parte ng pagkatao ko na isang manunulat! haay! kasalanan ata ito ng paaralan ko!

kung bakit kase ang laging pinahahalagahan ay panay ang wikang Ingles? merong mga tataas ang kilay, pero, aminin 'nyo, ito ang totoo! pasintabi sa mga kaibigan kong Inglesero't inglesera.. hindi ko nais wasakin ang wikang kinagisnan 'nyong gamitin!

ang sakin lamang, mas bigyang sana ng karampatang pagpapahalaga ang wikang Filipino.

naiintindihan ko na kelangan talaga ang Ingles dahil itinuturing itong pangkalahatang wika. ngunit hindi rin ba karapat-dapat bigyan ng pagkakataon ang katutubong wika upang yumabong?

ang wika nga raw ay maitututring na isang abot-tanaw; isang pagdanas-daigdig ng mga nilalang na gumagamit nito. kaya nga may ilang mga salitang FIlipino na wala talagang katumbas na eksaktong Ingles, gayun din ang katotohanan na may ilang katagang banyaga na di talaga mahahanapan ng katumbas sa ating wika... na kung paanong mayroong katumbas na mahigit na pitong salita ang niyebe sa mga Eskimo at kasabay ng kung papaanong walang katumbas ang po at opo sa ibang mga lahi...

marahil, pwedeng masabi na kaya ganito ang aking pagninilay ay dahil 'di lang talaga ko marunong magsulat sa wikang Ingles. oo, tama. pero, di lang un.

pagkakataon, yun lang ang kailangan ng ating wika. bigyan lamang ng pagkakataon upang sa gayon, matutuhan at matungyahan ang yaman at rikit nito.

hindi ko siguro nalimutan magsulat, nalimutan ko lang ung mga dapat isulat, dala ng kung anu-anong pinagaatupagan ko sa skwelahan.

naririto siguro ako ngayon upang makabawe.